top of page

PLDT ngayong 2012 :

Ang sahod ng isang karaniwang Executive/Officer ay 2,326% na mas malaki sa sahod ng isang karaniwang Rank & File. Samantala, ang isang Executive/Officer ng kumpanya ay nakakatanggap din ng longevity pay, mid-year bonus, 13th month at Christmas bonus.



Ngunit hindi lang ito... Siya ay nakakatanggap pa ng variable pay: para sa Top Executives/Officers, nang humigit kumulang P10.4 Million noong 2009 at P8.6 MIllion noong 2011.



Nito namang 2010 maliban sa variable pay ay nakatanggap pa siya ng Long Term Incentive plan na nagkakahalagang P45 Million.

​

Ito ay isang bahagi ng pamamahagi ng Kumpanya ng yamang pinagpaguran ng 34,116 na mga Empleyado ng PLDT.    

Ang CBA negotiations ay nagaganap dalawang beses sa isang linggo, tuwing martes at biernes. Nagsimula ito noong Setyembre 8, 2012. At makalipas ang palitan ng opinyon at paliwanag ng magkabilang panig sa loob ng apat (4) na paghaharap, ay nanindigan ang Management na sa dalawampu't apat (24) na proposal ng Unyon, ito ay bukas lamang sa labing-isang (11) proposal. Ito ay ang mga sumusunod:  1. Union Leave of Absence with Pay; 2. Wage Increase and Signing Bonus; 3. Gift Certificate; 4. Dependents' Hospitalization Benefits; 5. Rice Benefit; 6. Group Insurance Plan; 7. Death of Dependents' Benefit; 8. Per Diem; 9. Redeployment Support; 10. Intranet Posting; at 11. Environmental Seminar.
     
Ang iba pang proposal ng unyon na nagpahayag ng kawalan ng interes ang Management ay ang mga sumusunod: 1. Educational Trust Fund; 2. Free Dentures; 3. Private Hospital Accomodation for Employees; 4. Retirement Hospitalization; 5. Inclusion of Married Employees' Parents to Authorized Dependents; 6. Reclassification of DEA for some Job Titles; 7. Memorial Life Plan; 8. Improvements in Company Uniform; 9. 50% Discount on Company Products; 10. Study Grant/TechTrain Training for Dependents; 11. Inclusion of DO 18-A in the CBA; 12. May 1 Celebration Subsidy; at 13. Free prescription Eyeglasses.   



Ang mga sumunod pang mga araw ng negosasyon ay ginugol ng dalawang panig sa pagpapaliwanagan hinggil sa labintatlong (13) proposal na tinatanggihan ng Management. Ang ilan sa mga tampok na palitan ng opinyon ay ang mga sumusunod:



Hinggil sa Inclusion ng DO 18-A sa CBA -


Ipinaliwanag ng Management na hindi na ito kailangan sapagkat kahit daw wala sa CBA ay susunod naman daw sila.



Para sa Unyon naman, iniiwasan lamang nito ang mga pagkasira ng mga pagtupad sa mga batas at mga kasunduan. Kung ito ay mailalagay sa CBA, mas magiging malinaw sa lahat ang mga pagpapatupad ng mga batas o mga kasunduan. Binigyang halimbawa ito ng Unyon sa pagbanggit ng kamakailang paglabag ng Management sa Memorandum of Agreement na nagsasabing ang mga nire-relocate na mga empleyado ay bibigyan ng isa't kalahating buwan (1 1/2) na karagdagang leave maliban pa sa ibang suportang ibinibigay sa kanila at ang mga araw na hindi nila magagamit ay maaring i-convert sa cash. Binanggit ng unyon na sa mga inilipat mula sa Cebu patungong Manila kamakailan, nagbigay lamang ang Management ng 30 araw na karagdagang bakasyon ngunit hindi naman na-convert sa cash ang 15 araw na nawala sa mga empleyadong inilipat. Marahil ayon sa Unyon, kung ito ay nasa CBA hindi mangyayari ang ganitong pagkakamali.



 

Hinggil sa May 1 Celebration Subsidy -

​

Ipinahayag ng Unyon na ang kasaysayan ng Labor Day ay maraming signipikanteng epekto sa kasalukuyang panahon.  Binanggit nito na isang kaganapan sa kasaysayan ng tao na ipinagdidiwang ng Mayo 1 ay ang pagkakaroon ng otso (8) oras na pag-gawa.  Ang batas na ito ay hindi lamang pinakikinabangan ng mga Rank & File kundi lahat ng mga empleyado. Gaya ng mga karaniwang empleyado dapat ding pasalamatan ng Management ang mga manggagawang nag-alay ng kanilang buhay sa Hay Market Square Chicago na ipinaglaban ang karapatang ito upang kilalanin ng lipunan. Gayundin sa pakikipaglaban para sa otso (8) oras na pag-gawa dito sa Pilipinas, ang Philippine Telephone Workers Union noong 1939 (Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas ngayon) ay gumampan ng mahalagang papel upang kilalanin ng Commonwealth Government noon ang karapatang ito. Ipinaliwanag ng Unyon na kung ito ay pagbibigyan ng Management at mailalagay sa CBA nakikipagkaisa ang Management sa pagtataguyod ng Industrial peace.



Hinggil sa Private Hospital Accomodation ng mga Empleyado -



Nagpaliwanag ang Management hinggil dito na ang Hospitalization benefit na ibinibigay ng PLDT sa kanyang mga empleyado ay siyang pinakamahusay kung ikukumpara sa ibang kumpanyang singlaki ng PLDT kaya't wala ng dapat ipag-alala ang mga empleyado. Katunayan kung walang semi-private room na magagamit sa ospital ay pinapayagan nilang maipasok ito sa isang private room.



Sumagot ang Unyon sa pamamagitan ng paghahambing sa benepisyo ng Executive at ng Rank & File na talagang pinag-iiba pa ng Management kahit na sa usapin ng pagkakasakit ng mga empleyado. Tinanong ng Unyon ang Management: "Ang recovery period ho ba ng Executive ay iba sa recovery period ng Rank & File?".



Hinggil sa Inclusion of Married Employees' Parents to Authorized Dependents -



Binalikan ng Unyon ang naging papel ng mga nakaraang CBA nito sa PLDT Management bilang isang tagatuklas sa mga pamamaraan kung papaano gagawing mas makatao ang lipunang Pilipino. Pinaalala ng Unyon na ang PLDT Management at MKP ang naging taliba (nanguna) sa pagbibigay ng paternity benefit. Tinatanggap na ng mga lalaking empleyado ng PLDT ang benepisyong ito bago pa naging batas sa Pilipinas. Pinaalala rin ng Unyon na ang PLDT Management at MKP ay naging taliba rin sa pagkilala sa mga "anak-sa-labas" bilang mga lehitimong dependent ng isang dalagang ina bago pa naipasa ang Single Parent Act. Kaya muling hinikayat ng Unyon ang Management na makiisa sa isang napakadakilang gawain na gawing mas makatao ang lipunan sa pamamagitan ng pagsama ng mga magulang ng isang empleyadong may asawa sa kanyang authorized dependents.

​

Hinggil sa Free Prescription Eyeglasses at  Free Denture -



Ipinaliwanag ng Management na ang medical benefits na ibinibigay nito sa mga empleyado ay batay sa pagkakasakit, at sa ilalim ng CBA, binibigyan ang mga empleyado ng mga emergency dental treatments gaya ng bunot, pasta sa ngipin at ng taunang oral prophylaxis.     Gayundin ang sa mata, kung ang paglabo nito ay dala ng katandaan hindi ito maaring bigyan puwang ng Management.



Nagpaliwanag ang Unyon na ang salamin at pustiso ay kailangan ng mga empleyado hindi para pang-porma lamang kundi upang makapagtrabaho ng maayos. At kung ang Kumpanya ay nakapagbibigay ng kotse sa kanyang mga executives bakit hindi ng salamin at pustiso sa kanyang mga rank & file. Ang magiging gastos sa salamin at pustiso ay maliit na halaga lamang sa bilyon pisong kinikita ng Kumpanya. Ito'y maliit na bagay lamang na magagawa ng Kumpanya para sa mga taong naglaan ng kanilang mga taon ng paglilingkod para sa pag-abot ng layunin ng kumpanya.



Sa isang pagpapaliwanagan ay nabanggit ng Management na hindi kasalanan ng kumpanya kung masira ang ating ngipin sa sarili nating kapabayaan kayat nakasagot ang Unyon sa ganitong paraan:

​​

"Lahat naman ng nangyayari sa amin, wala kayong kasalanan. Nagkakasakit kami... mag-aaral ang anak namin... kakain kami... Wala namang kasalanan doon ang Management. I think you're missing the point nang paghingi ng Unyon. Ang pinanggagalingan ng paghingi namin ay yung probisyon ng Saligang Batas  ng Pilipinas na nagsasabing  ang mga Manggagawang Pilipino have the right to the fruits of production. Dini-distribute lang namin s'ya (ang mga proposals) in a manner na madali para sa Negotiators ng Management to "champion our position" ika nga ng salita ni Sir Butch, to Top Management. 

Hindi kami humihingi dahil may atraso sa amin ang kumpanya. Ang sinasabi namin yung 41Bilyon (Net Income) in 2009, 42 Bilyon (Net Income) in 2010 and 39 Bilyon (Net Income)  in 2011 bahagi ang mga Manggagawa doon so we must have an equitable share in the fruits of production."



Hangang sa ika-walong negosasyon noong Oktubre 5, 2012 patuloy ang pagpapaliwanagan ng dalawang panig.

​

Sa tagumpay ng MKP,

       
            pete pinlac     

Pangkalahatang Kalihim  

​

          Atong Castillo

                Pangulo

 

© Copyright MKP-CWP. all rights preserved.

ADDRESS

#22 Domingo M. Guevarra St., Barangay Highway Hills, Mandaluyong City 

FIND US

Number of Visitors

bottom of page