top of page

Sa huling ulat ng PLDT sa mga stockholders (20011 Annual Report), ang kabuuang bilang ng kanyang mga Manggagawa ay nasa 34,116. Ang mga ito ay nahahati sa tatlong business segment ng Kumpanya ang:

​

Wireless - 8,043; ​

Fixed Line -   11,409; at  ​

BPO -       14,664.

​

Ngunit maari mo ring hatiin ang mga manggagawa ng PLDT sa pagitan ng:

​

May Unyon; at ​

Walang Unyon.

​

Totoong ang mga karapatan ng Manggagawa na itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas ay para sa LAHAT ng Manggagawa, may unyon man o wala. Ngunit malinaw na ipinapakita sa praktika na maraming karapatang iginagawad ng batas sa Manggagawa ang hindi niya makamit kung siya ay walang Unyon. Ang pinakamahalaga dito ay ang kanyang karapatan sa isang CBA (Collective Bargaining Agreement). Ito ay karapatan ng lahat ng mga Manggagawa, ngunit kung wala kang Unyon, hindi mo ito kailanman makakamit.

 

Sa mga Manggagawang bahagi ng bargaining unit, madalas ay ibinibigay na rin ng Kapitalista ang laman ng CBA kahit hindi Kasapi ng Unyon upang huwag ng maengganyo na sumapi pa sa Unyon. Ngunit kung mayroon siyang alibi upang ihiwalay sa bargaining unit ang mga manggagawa talagang hindi makakatikim ng biyaya ng CBA, maliban sa kung ano lamang ang nanaising ibigay ng Kapitalista.

​

Ano ba ang CBA?      Gaano ba ito kahalaga sa isang Manggagawa?

 

Ito ang pana-panahong pakikipagtawaran ng mga Manggagawa sa kanilang Kapitalista para sa dagdag na sahod, mga benepisyo at higit pang pagpapabuti ng mga tuntunin at kundisyon sa pag-gawa. Sa madaling salita ito ang "Karapatang Mangarap" ng mga Manggagawa.



Sa isang tumatanggap ng malaking sahod, madali ang mangarap. Sa PLDT halimbawa, madaling mangarap: kung saang Unibersidad mo pag-aaralin ang iyong anak; kung saan mo nais magbakasyon; kung anong sasakyan ang iyong bibilhin; o kung ano pang makapagpapaligaya sa iyong pamilya; kung ang sahod mo ay gaya nang sa mga Executive ng  kumpanya - humigit kumulang isang  milyong piso (P1M) kada buwan.  Sa mundo nating pinagagalaw ng pera, mas madaling maging isang magulang o bumuhay ng mahal sa buhay kung ganito kalaki ang iyong sahod. Talagang hindi lang madali, kundi napakasarap pang mangarap kung ganito kalaki ang iyong sahod.

 

 

Sa kabilang banda, hindi na masama ang narating nating mga taga PLDT sa larangan ng pakikipag-CBA. Ang average salary natin ay P43,000 kada buwan. Ang ating mga supervisors na ang karamihan ay mga taong minabuti ng Management na dagdagan ng sahod mawala lamang sa ating hanay ay tiyak na may mas malaking average monthly salary.



Ngunit kung gagawa ka ng listahan ng karaniwang gastusin ng isang nagtatrabaho sa PLDT matutuklasan mong halos nasa bingit tayo ng pagkahulog sa poverty level.

 

Hindi na masama ang sahod natin huwag lang magkakasakit o magkaka-aberya ang iyong magulang o mga kamag-anak na umaasa sa iyo. Hindi maikakaila na tayo ay bahagi ng isang naghihikahos na lipunang Pilipino. May mga direkta at di-irektang epekto sa atin ang mga kakulangan sa ating lipunan.



Ganumpaman, kailangang malinaw sa ating lahat na ang CBA ay hindi ibinibigay ng Saligang Batas sa mga Manggagawa dahil lamang sila ay mahirap, nagugutom o kawawa. May karapatan tayong mga Manggagawa sa CBA sapagkat sinasabi ng ating Saligang Batas (Constitution) na ang mga Manggagawa ay may karapatan sa "makatarungang bahagi sa bunga ng produksyon". Samakatwid hindi lamang ang Kapitalista ang may karapatan sa kinikita ng kumpanya. At hindi rin kung ano lamang ang nais niyang ibigay sa mga Manggagawa. Ang sinasabi ng Saligang Batas ay "Makatarungang Bahagi".  Pumasok tayo sa panibagong negosasyon upang buuin ang CBA 2012-2015 sa ganitong prinsipyo.

 

Ang nakaraang tatlong taon ay kinatampukan ng produktibong kalagayan para sa ating kumpanya. Sa ilalim ng administrasyon ng 57 nating mga Executive ang ating 34,059  na mga Empleyado (kabilang ang mga Manager, Supervisor at Rank & File)  ay nakapagpasok ng P122B na net income: 2009 - P41B; 2010 - P42B; 2011- P39B.



Hindi maipagkakaila na sa mga kompanya ng Metro Pacific ang PLDT ang maituturing na "Gansang Nangingitlog ng Ginto". Kayat makatwiran ding isipin na ang mga ginagawang pagbili ng Metro Pacific ng ibat ibang kumpanya sa ibat ibang larangan o industriya sa bansa ay naitutulak ng kanyang pinakamakapangyarihang kumpanya - ang PLDT.

 

 

Ano naman ang kalagayan ng "makatarungang pagbabahagi ng bunga ng produksyon" sa PLDT?

 

Sa nakaraang tatlong taon, ang PLDT ay gumastos ng: 2009 - P23.1B; 2010 - P24.1B; 2011 - P 20.1B; sa Compensation and Employee Benefits para sa kanyang mga empleyado kasama ang mga executives. Sa kabuuan, ito ay P67.3B. Ito ay ibinahagi sa mga Executives at iba pang Empleyado na may bilang na 34,116 sa kabuuan.

 

Papaano ibinahagi ang halagang ito?



Ayon sa mga datos ng Kumpanya na isinumite sa Philippine Stock Exchange Commission, lumalabas na 22% ng kabuuang gastos sa mga empleyado ay napunta sa 57 executives lamang ng PLDT at ang natitirang 78% ay ang pinagkakasya sa natitirang 34,059 na mga Empleyado pa nito. Ito ba ang makatarungang pagbabahagi?

 

Samantalang ang sahod ng isang executive sa isang taon ay mahigit sampung milyon (P10M) ang isang karaniwang Rank & File o Supervisor kahit magtrabaho ng tatlumpung taon ay hindi makakakuha ng ganun kalaking halaga para sa kanyang retirement.  Ito ang puntong pinagtatalunan sa CBA negotiation at dito mailalantad ang dalawang magkatunggaling paninindigan ng Kapitalista at ng Manggagawa.



Ang MKP ngayon, dala ng kanyang kasalukuyang negosasyon sa CBA ay nasa harapan ng tunggaliang ito. Naninindigan tayo na hindi makatarungan ang kasalukuyang kaayusan. Anumang makamit natin sa CBA na ito ay magiging basihan sa mga ibibigay sa ating mga Supervisor at maging sa ating mga Manager.

 

Pumoposisyon tayo sa isang mas makatwiran, mas makatarungan at mas patas na pagbabahagi ng bunga ng produksyon. Dala-dala natin ngayon ang bandila ng tunay na pagbabago. Pagbabagong humahamon sa kasalukuyang kaayusan. Humakbang tayo ng buong lakas at abutin ang pinakamalayong maaabot ng ating lakas. Suportahan ang ating mga negosyador. Ipakita natin sa Management na ang lakas ng Unyon ay nanggagaling sa ibaba, sa kanyang KASAPIAN.    


PAHIGPITIN ANG ATING HANAY!!!
PAGBUKLURIN ANG ATING MGA PUSO AT DIWA!!!
SAMA-SAMA NATING IGUHIT ANG ISA  NA NAMANG  YUGTO  NG ATING KASAYSAYAN!!!

 


Sa tagumpay ng MKP,

       
           pete pinlac
Pangkalahatang Kalihim

 

​

      Atong Castillo
            Pangulo

PUNDASYON NG ATING KATWIRAN

© Copyright MKP-CWP. all rights preserved.

ADDRESS

#22 Domingo M. Guevarra St., Barangay Highway Hills, Mandaluyong City 

FIND US

Number of Visitors

bottom of page